Nagwagi ang batang babaeng ito ng 3 gintong medalya sa kategoryang 400m, 800m at 1500m run (elementary girls ) sa isang palaro, na idinaos sa Iloilo School Sports Council Meet noon lamang Disyembre 9, 2020.
Hindi naging hadlang kay Rhea Bullos, upang makamtan niya ang kaniyang mga pangarap, ang hindi maayos na sapin sa paa. Siya ang pambato ng Balasan, Iloilo sa sinalihang running competition sa naturang lalawigan.
Ngunit maliban sa karangalan, pumukaw sa atensiyon ng publiko ang inilagay ng batang atleta sa mga paa nito, hindi isang sapatos ang suot nito kundi ay isang plaster na nagsisilbing proteksiyon sa paa.
Ito nga ay matapos ibahagi ni Predirick B. Valenzuela, ang isang Facebook post kung saan tampok si Bullos dito.
Ayon kay Valenzuela, nagpapahinga raw umano ang batang Bullos nang mapansin niyang tadtad ng plaster ang paa ng musmos, nakaguhit ang pangalan at tatak ng isang kilalang brand ng sapatos. Ito na raw ang nagsilbing sapin sa paa ng manlalaro sa buong durasyon ng paligsahan.
Inulan ng papuri ang bata. Marami rin ang naghandog ng tulong matapos makita ang ibinahaging post sa social media ni Valenzuela at matanto ang mahirap na sitwasyon ng manlalaro.
Umabot na ng higit sa limang libong likes at reactions ang nakaka-antig na kuwentong ito. Marami rin ang nagbahagi nito sa kani-kanilang Facebook account, upang magsilbing inspirasyon sa iba pang mga makakakita nito.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento