Isang stray dog ang hinahangaan at tinatawag ngayon bilang isang "hero" sa munisipalidad ng Sibonga, Cebu, matapos itong tumulong sa pagre-rescue sa isang sanggol na iniwan sa dumpsite ng walang puso niyang magulang.
Ayon sa report mula sa lokal na awtoridad, si Junrell Fuentes Revilla ay nadaan umano sa dumpsite sa bundok ng Magkagong, Sibonga noong Disyembre 24, Huwebes ng umaga, nang siya ay habulin ng isang aso.
Ngunit, naguguluhang tinignan ni Junrell ang aso dahil tila may nais itong sabihin sa kaniya. Patuloy lamang ito sa paghabol sa kaniya at hindi din naman nito sinubukan na kagatin siya nang siya ay mapadaan dito.
Sa kuryosidad, napagpasyahan ng motorcycle rider na tignan kung ano ang nais sabihin ng aso sa kaniya. Hininto niya ang kaniyang motorsiklo at sinundan ang aso na tumakbo patungo sa madamong parte ng dumpsite. Laking gulat ni Junrell na makita ang isang sanggol na nakabalot sa isang brown na tuwala at mag-isa lamang sa lupa.
Kaagad naman niyang tinawagan ang pilice at sinabi ang kanilang lokasyon. Ayon kay Police Master Sergeant Venus Tampos ng Sibonga Police Women and Children Protection Desk, ang sanggol umano ay kakapanganak lamang dahil nakakabit pa dito ang umbilical cord sa kaniyang pusod.
Ang sanggol ay dinala naman sa Municipal Social Welfare and Development Office habang ang mga police ay patuloy na iniimbestigahan ang insidente.
Nanawagan naman ang mga pulis sa ina ng sanggol sa responsibilidad nito bilang magulang sa sanggol. Hinimok din nila ang publiko na kaagad i-report ang kahit na anong impormasyon na kanilang makukuha tungkol sa insidente o kung may kakilala sila na kakapanganak lamang ngunit wala na ang kanilang sanggol sa kanila.
Dagdag pa ni Tampos nagkaroon umano kamakailan lang ng house-to-house campaign para makausap ang mga batang residente sa lugar tungkol sa teenage pregnancy.
Samantala, pinuri naman ng mga netizens ang aso sa pagligtas nito sa sanggol. Marami ang humihiling na sana ay ma-adopt ang stray dog dahil siya ay isang hero!
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento